https://www.youtube.com/watch?v=eVlq72AyaXU
Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas
Miyerkules ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Exodo 3, 1-6. 9-12
Salmo 102, 1-2. 3-4. 6-7
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Mateo 11, 25-27
Mga Pagbasa – Miyerkules, Hulyo 15, 2015
Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas
Miyerkules ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Exodo 3, 1-6. 9-12
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, si Moises ay nag-aalaga sa kawan ng biyenan niyang si Jetro. Minsan, itinaboy niya ang kawan pabagtas ng disyerto at nakarating siya sa Horeb, sa Bundok ng Diyos. Doon, ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kanya, parang ningas sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ito ngunit hindi nasusunog. Kaya’t nasabi niya sa kanyang sarili, “Kataka-taka ito! Tingnan ko ngang mabuti kung bakit di nasusunog gayong nagliliyab.”
Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ng Panginoon buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.”
“Ano po iyon?” sagot niya.
Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na dako ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos ng iyong mga magulang – nina Abraham, Isaac at Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha pagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos.
“Naririnig ko ang daing ng aking bayan at alam ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. Kaya, papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayan.”
Sumagot si Moises, “Sino po akong haharap sa Faraon at maglalabas ng bayang Israel mula sa Egipto?”
“Huwag kang mag-alaala, hindi kita pababayaan. At ito ang magiging katibayan na ako ang nagsugo sa iyo: sa bundok ding ito sasambahain ninyo ako kapag nailabas mo na sa Egipto ang aking bayan,” sabi ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 6-7
Tugon: Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Tugon: Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Tugon: Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Ang Poon ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Ang balangkas niya’t utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa’y nasaksihan ng Israel.
Tugon: Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
MABUTING BALITA
Mateo 11, 25-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.
Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.