https://www.youtube.com/watch?v=7oSITC4C5q0
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Daniel 12, 1-3
Salmo 15, 5 at 8. 9-10. 11
D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilin.
Hebreo 10, 11-14. 18
Marcos 13, 24-32
Mga Pagbasa – Linggo, Nobyembre 15, 2015
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
UNANG PAGBASA
Daniel 12, 1-3
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Sa pagkakataong yaon, darating si Miguel, ang makapangyarihang bantay ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos. Mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba’y sa buhay na walang hanggan, at ang iba’t sa kaparusahang walang hanggan. At yaong may pagkaunawa at umakay sa marami tungo sa kabutihan ay magniningnig na parang tala sa kalangitan magpakailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 5 at 8. 9-10. 11
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilin.
Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailanganl
ang biyayang kaloob mo ay kahanga hangang tunay.
Nababatid ko na ika’y kasama ko oras-oras,
sa piling mo kailanma’y hindi ako matitinag.
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilin.
Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak,
ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilin.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilin.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 10, 11-14. 18
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Bawat saserdote ay nakatayong naglilingkod araw-araw at naghahandog ng iyon at iyon ding mga hain, subalit hindi makapapawi ng kasalanan ang mga haing iyon. Ngunit si Kristo ay minsan lamang naghandog dahil sa mga kasalanan, at iyo’y sapat na. Pagkatapos, lumuklok siya sa kanan ng Diyos. At naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. Samaktwid, sa pamamagitan ng isa lamang paghahandog ay kanyang pinagpaging-banal magpakailanman ang mga nilinis niya.
Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Marcos 13, 24-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. At makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako.
“Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos: kapag sumisipot na ang mga dahon sa sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayun din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang panahon ng pagparito niya – nagsisimula na. Tandaan ninyo: magaganap ang mga bagay na ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay sa ngayon. Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula.
“Ngunit walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man – ang Ama lamang ang nakakaalam nito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.