https://www.youtube.com/watch?v=PfuuJQDpdZM
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (C)
Jeremias 33, 14-16
Salmo 24. 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14
Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong D’yos na nagliligtas.
1 Tesalonica 3, 12 – 4, 2
Lucas 21, 25-28. 34-36
Mga Pagbasa – Linggo, Nobyembre 29, 2015
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)
UNANG PAGBASA
Jeremias 33, 14-16
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Sinabi pa ng Panginoon, “Dumarating na ang araw ng tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda. At sa panahong iyon, pasisibulin ko ang matuwid na sanga ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katwiran sa buong lupain. Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila’y tatawagin sa pangalang ito: ‘Ang Panginoon ang ating katwiran.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 24. 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14
Tugon: Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong D’yos na nagliligtas.
Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
tagapagligtas ko na inaasahan.
Tugon: Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong D’yos na nagliligtas.
Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.
Tugon: Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong D’yos na nagliligtas.
Tapat ang pag-ibig, siya’ng umaaky
sa tumatalima sa utos at tipan.
Sa tumatalima, siya’y kaibigan,
at tagapagturo ng tipan n’yang banal.
Tugon: Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong D’yos na nagliligtas.
IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 3, 12 – 4, 2
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid:
Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Kung ito ang mangyayari, palalakasin niya ang inyong loob. Sa gayun, kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama sa hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus, kasama ang mga hinirang niya.
Isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Hesus. Sana’y lalo pang pagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon – pamumuhay na ayon sa inyong natutuhan sa amin – upang kayo’y maging kalugug-lugod sa Diyos. Batid naman ninyo ang mga aral na ibinibigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Lucas 21, 25-28. 34-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”
“Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.