Quantcast
Channel: Tagalog Mass Readings | awitatpapuri.com
Viewing all articles
Browse latest Browse all 4186

Mga Pagbasa – Martes, Disyembre 15, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=a3nqaB9vTOU

Martes ng Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Sofonias 3, 1-2. 9-13
Salmo 33, 2-3. 6-7. 17-18. 19 at 23

Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Mateo 21, 28-32

Mga Pagbasa – Martes, Disyembre 15, 2015
Martes ng Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Sofonias 3, 1-2. 9-13

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Sofonias

Ito ang sinasabi ng Panginoon:
Kahabag-habag ang lungsod na itong suwail
at punong-puno ng karumihan at pang-aapi.
Wala siyang pakikinig sa Panginoon at hindi tumatanggap ng kanyang payo.
Hindi siya nagtitiwala sa Panginoon,
ni lumalapit man upang pasaklolo.

“Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao, at bibigyan ko sila ng dilang malinis, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ng Panginoon at buong pagkakaisang maglingkod sa kanya. Mula sa ibayo ng mga ilog ng Etiopia, ang aking nangalat na bayan, ay sasamba sa akin, magdadala ng kanilang handog. Sa araw na yaon ay hindi kayo mapapahiya sa ginawa ninyong paghihimagsik sa akin; sapagkat aalisin ko ang mapagmataas, at hindi na kayo maghihimagsik sa aking banal na bundok. At ang iiwan ko roon ay mga taong mapagkumbaba, na lalapit sa akin upang pasaklolo. Ang natira sa Israel ay hindi na gagawa ng kasamaan at hindi magsisinungaling ni mandaraya man. Uunlad ang kanilang buhay at magiging panatag at wala silang katatakutan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 6-7. 17-18. 19 at 23

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Nililipol niya yaong masasama
hanggang sa mapawi sa isip ng madla.
Agad dinirinig daing ng matuwid
inililigtas sila sa mga panganib.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Tumutulong siya sa nasisiphayo
ang walang pag-asa’y hindi binibigo.
Mga lingkod niya’y kanyang ililigtas,
sa napakukupkop, siyang mag-iingat.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

MABUTING BALITA
Mateo 21, 28-32

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan: “Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.’ ‘Ayoko po.’ tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siya’y naparoon. Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayon din ang kanyang sinabi. ‘Opo’ tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae’y nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 4186