https://www.youtube.com/watch?v=XgbDit-eSm0
Martes Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
1 Juan 4, 7-10
Salmo 71, 2. 3-4ab. 7-8
Poon, maglilingkod sa ‘yo
tanang bansa nitong mundo.
Marcos 6, 34-44
Mga Pagbasa – Martes, Enero 5, 2016
Martes Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
UNANG PAGBASA
1 Juan 4, 7-10
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ag pag-ibig: hindi sa inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 71, 2. 3-4ab. 7-8
Tugon: Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran:
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Tugon: Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Ang lupain nawa niya’y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap
at ang mga taong wala’y pag-ukulan ng paglingap.
Tugon: Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,
mula sa ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Tugon: Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
MABUTING BALITA
Marcos 6, 34-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nakita ni Hesus ang napakaraming tao; nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay. Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Ilang ang pook ng ito at malapit nang lumubog ang araw. Payaunin na po ninyo ang mga tao sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.” Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” “Bibili po ba kami ng halagang dalawandaang denaryong tinapay upang ipakain sa kanila?” Tanong ng mga alagad. “Ilan ba ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” wika niya. Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lilima po, at dalawang isda.”
Iniutos ni Hesus na ang lahat ay maupo nang pulu-pulutong sa damuhan. Kaya’t naupo sila nang manda-mandaan at lima-limampu. Kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. At pinaghati-hati niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin. Ang lahat ay nakakain at nabusog. Nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na hati-hating tinapay at isda, nakapuno sila ng labindalawang bakol. Sa mga nagsikain, limanlibo ang mga lalaki.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.