https://www.youtube.com/watch?v=-C_0AKWmkJw
Biyernes Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
1 Juan 5, 5-13
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
Lucas 5, 12-16
Mga Pagbasa – Biyernes, Enero 8, 2016
Biyernes Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
UNANG PAGBASA
1 Juan 5, 5-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, sino ang makapagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalatayang si Hesus ang Anak ng Diyos.
Si Hesukristo ang naparito sa sanlibutan, bininyagan sa tubig, at nagbubo ng kanyang dugo sa kanyang kamatayan – hindi lamang bininyagan sa tubig, kundi nagbubo pa ng kanyang dugo. Ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo, at nagkakaisa ang tatlong ito. Tinatanggap natin ang patotoo ng tao, ngunit lalong matibay ang patotoo ng Diyos, at iyon ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. Ang sinumang nananalig sa Anak ng Diyos ay naniniwala sa patotoong ito. Ngunit ang ayaw maniwala sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya naniniwala sa patotoo nito tungkol sa kanyang Anak. At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito’y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Ang pinananahanan ng Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan, ngunit wala nito ang hindi pinananahanan ng Anak ng Diyos. Isinulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong nananalig sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20
Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.
Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
Kay Jacob n’ya ibinibigay ang balita at pabilin,
ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel.
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin ang Panginoon!
Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
MABUTING BALITA
Lucas 5, 12-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong si Hesus ay nasa isang bayan, isang lalaking ketongin ang lumapit sa kanya. Pagkakita ng ketongin sa kanya, ito’y nagpatirapa at namanhik sa kanya. “Ginoo, kung ibig po ninyo, ako’y inyong mapagagaling.” Hinipo siya ni Hesus at ang sabi, “Ibig ko; gumaling ka!” Pagdaka’y nawala ang kanyang ketong. At pinagbilinan siya ni Hesus: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa saserdote at pasuri. Pagkatapos, maghandog ka ng haing iniuutos ni Moises, bilang patotoo sa mga tao na magaling ka na.” Ngunit lalo pang kumalat ang balita tugkol kay Hesus, kaya’t dumagsa ang napakaraming tao upang makinig at magpagamot sa kanya. At si Hesus ay laging nagpupunta sa ilang na pook at nananalangin.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.