https://www.youtube.com/watch?v=W5jWQ5Ipbmg
Lunes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 16, 11-15
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5-6a. at 9b
Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.
Juan 15, 26 – 16, 4a
https://www.youtube.com/watch?v=W5jWQ5Ipbmg
Lunes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 16, 11-15
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5-6a. at 9b
Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.
Juan 15, 26 – 16, 4a
https://www.youtube.com/watch?v=4WPinFJbdOw
Martes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 16, 22-34
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 7k-8
Ligtas ako sa ‘yong piling, lakas ko’y sa ‘yo nanggaling.
Juan 16, 5-11
https://www.youtube.com/watch?v=gClG9lPRdWw
Miyerkules sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 17, 15. 22 – 18, 1
Salmo 148, 1-2. 11-12ab. 12k-14a. 14bkd
Ang kadakilaan ng D’yos sa lupa’t langit ay lubos.
Juan 16, 12-15
https://www.youtube.com/watch?v=XdWQOemlDUM
Kapistahan ni Apostol San Matias
Mga Gawa 1, 15-157. 20-26
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8
Hinirang ng D’yos ay dinangal sa piling ng mga banal.
Juan 15, 9-17
https://www.youtube.com/watch?v=vFQ32JDaq7U
Biyernes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Paggunita kay San Isidro Labrador
Mga Gawa 18, 9-18
Salmo 46, 2-3. 4-5. 6-7
Hari ng sangkalupaan D’yos na Makapangyarihan
Juan 16, 20-23a
https://www.youtube.com/watch?v=6-CquiLs4xQ
Sabado sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 18, 23-28
Salmo 46, 2-3. 8-9. 10
Hari ng sangkalupaan D’yos na Makapangyarihan.
Juan 16, 23b-28
https://www.youtube.com/watch?v=CQ-U6YbQmR4
Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat (B)
Mga Gawa 1, 1-11
Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9
Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.
Efeso 1, 17-23
Marcos 16, 15-20
https://www.youtube.com/watch?v=J4BOUniSiuQ
Lunes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 19, 1-8
Salmo 67, 2-3. 4-5ak. 6-7ab
Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.
Juan 16, 29-33
https://www.youtube.com/watch?v=7WTF2pG_oaE
Martes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 20, 17-27
Salmo 67, 10-11. 20-21
Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.
Juan 17, 1-11a
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 20, 17-27
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, mula sa Mileto, si Pablo’y nagpasugo sa Efeso at ipinatawag ang matatanda sa simbahan roon. Pagdating nila ay kanyang sinabi:
“Nalalaman ninyo kung paano ko ginugol ang buong panahong ipinamalagi ko sa inyo, mula nang unang araw na ako’y tumuntong sa Asia. Buong pagpapakumbaba akong naglingkod sa Panginoon at lumuluhang nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. Hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anumang ikabubuti ninyo sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa hayagan at sa bahay-bahay. Ipinangaral ko maging sa mga Judio at sa mga Griego na dapat nilang talikdan ang kanilang kasalanan at manumbalik sa Diyos, at manalig sa ating Panginoong Hesukristo. Ngayon sa utos ng Espiritu’y ako’y pupunta sa Jerusalem, at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. Ito lamang ang aking alam: sa bawat bayang dinalaw ko, ipinahayag sa akin ng Espiritu Santo na ang naghihintay sa akin doo’y pagkabilanggo at kapighatian. Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Hesus—ang pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos.
“Nakisalamuha ako sa inyo samantalang nangangaral ako tungkol sa paghahari ng Diyos. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. Kaya’t sa araw na ito’y sinasabi ko: hindi ako ang mananagot kung mapahamak ang sinuman sa inyo. Sapagkat ipinahayag ko ang lahat ng nilalayon ng Diyos para sa inyo; wala akong inilingid na anuman.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 67, 10-11. 20-21
Tugon: Tanang mong kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.
Dahil sa’yo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na’y nanariwa at umunlad.
At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa biyaya ay pinuspos.
Tugon: Tanang mong kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas
at may dala araw-araw, ng pasanin nating hawak.
Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
ang diyos ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
Sa bingit ng kamataya’y hinango tayo agad.
Tugon: Tanang mong kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.
MABUTING BALITA
Juan 17, 1-11a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, tumingala si Hesus sa langit at ang wika, “Ama, dumating na ang oras: parangalan mo ang iyong Anak upang maparangalan ka naman niya. Sapagkat pinagkalooban mo siya ng kapangyarihan sa sangkatauhan, upang magbigay ng buhay na walang hanggang sa lahat ng ibinigay mo sa kanya. Ito ang buhay na walang hanggan: ang kilalanin ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at si Hesukristo na iyong sinugo. Inihayag ko rito sa lupa ang iyong karangalan; natapos ko na ang ipinagagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan.
“Ipinakilala kita sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila’y iyo; ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayo’y alam na nilang mula sa iyo ang lahat ng ibinigay mo sa akin; sapagkat itinuro ko sa kanila ang lahat ng aking nabatid sa iyo at tinanggap naman nila. Natitiyak nilang ako’y galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin.
“Idinadalangin ko sila, hindi ang sanlibutan kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila’y iyo. Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang lahat ng iyo ay akin; at pararangalan ako sa pamamagitan nila. At ngayon, ako’y pupunta na sa iyo; aalis na ako sa sanlibutan, ngunit nasa sanlibutan pa sila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
https://www.youtube.com/watch?v=dbAeF2w7m9g
Miyerkules sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 20, 28-38
Salmo 67, 29-30. 33-35a. 35b.-36k
Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.
Juan 17, 11b-19
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 20, 28-38
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo sa matatanda ng simbahan ng Efeso: “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang lahat ng kabilang sa kawan, sapagkat inilagay sila ng Espiritu Santo sa inyong pag-iingat. Pangalagaan ninyo ang simabahan ng Diyos, na kanyang tinubos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang sariling Anak. Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan. Mula na rin sa inyo’y lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y mailigaw sila. Kaya’t mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong tinuruan ko kayo gabi’t araw sa loob ng tatlong taon—at maraming luha ang pinuhunan ko.
“At ngayo’y itinatagubilin ko kayo sa Diyos at sa kanyang salita na nagpapahayag ng kanyang kagandahang-loob. Siya ang makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay ng lahat ng pagpapalang inilaan niya sa lahat ng kanyang pinapaging-banal. Hindi ko hinangad ang pilak, ginto o pananamit ninuman. Alam ninyo nagbanat ako ng buton upang kumita ng ikabubuhay naming magkakasama. Sa lahat ng pagkakataon, ipinakita ko sa inyo na sa pamamagitan ng ganitong pagpapagal ay dapat ninyong tulungan ang mahihirap. Alalahanin ang mga salita ng Panginoong Hesus: ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’”
Pagkasabi nito, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nila. Silang lahat ay umiiyak at hinagkan si Pablo. Labis nilang ikinalungkot ang kanyang sinabing siya’y hindi na nila makikita uli. At siya’y inihatid nila sa barko.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 67, 29-30. 33-35a. 35b-36k
Tugon: Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.
Sana’y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,
ang lakas na ginamit mo noong kami’y isanggalang.
Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,
na pati ang mga hari doo’y naghahandag sa iyo.
Tugon: Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.
Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
awitan ang pagpupuri’t ang Poon ay papurihan!
Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
mula roo’y maririnig ang malakas niyang sigaw!
Tugon: Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.
Ipahayag ng balana ang taglay na kalakasan,
Siya’y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
‘Yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
Kahanga-hanga ang Diyos sa santwaryo niyang banal,
Siya ang Diyos ng Israel na sa tana’y nagbibigay
ng kapangyariha’t lakas na kanilang kailangan.
Tugon: Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.
MABUTING BALITA
Juan 17, 11b-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyo, si Hesus ay tumingala sa langit, nanalangin at ang wika: “Amang banal, ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, pangalang ibinigay mo sa akin, upang sila’y maging isa, kung paanong tayo’y iisa. Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalang ibinigay mo sa akin. Inalagaan ko sila at ni isa’y walang napahamak, liban sa taong humanap ng kanyang kapahamakan, upang matupad ang Kasulatan. Ngunit ngayon, ako’y papunta na sa iyo; at sinasabi ko ito habang ako’y nasa sanlibutan upang mapuspos sila ng aking kagalakan. Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita; at kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi na sila makasanlibutan, tulad kong hindi makasanlibutan. Hindi ko idinadalanging alisin mo sila sa sanlibutan, kundi iligtas mo sila sa masama! Hindi sila makasanlibutan, tulad kong hindi makasanlibutan. Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo’y katotohanan. Kung paanong sinugo mo ako sa sanlibutan, gayun din naman, sinusugo ko sila sa sanlibutan. At alang-alang sa kanila’y itinalaga ko ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
https://www.youtube.com/watch?v=uwZ7y2qEzF4
Huwebes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 22, 30; 23, 6-11
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11
D’yos ako, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Juan 17, 20-26
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 22, 30; 23, 6-11
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, ibig matiyak ng pinuno kung ano nga ang sakdal ng mga Judio laban kay Pablo, kaya’t pinagpulong niya kinabukasan ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin, saka kinalagan si Pablo, ipinanaog at iniharap sa kanila.
Alam ni Pablo na doo’y may mga Saduseo at Pariseo, kaya’t sinabi niya nang malakas, “Mga kapatid, ako’y Pariseo, anak ng mga Pariseo. Dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay ako’y nililitis ngayon.” Matapos itong sabihin ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. Sapagkat ang sabi ng mga Saduseo, hindi muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu, subalit ang mga Pariseo nama’y naniniwala sa lahat ng ito. At lumakas ang kanilang sigawan. Tumindig ang ilan sa mga eskribang kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol. “Wala kaming makitang pagkakasala ng taong ito. Ano kung may isang espiritu o isang anghel na nagsalita sa kanya?”
At nang maging mainitan na ang kanilang pagtatalo, natakot ang pinuno na baka lurayin nila si Pablo, kaya’t pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok sa kuta.
Kinagabihan, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem: ganyan din ang gawin mo sa Roma.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hanga ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras.
Sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak.
Ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
Ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
MABUTING BALITA
Juan 17, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, tumingala si Hesus at nanalangin, “amang banal, hindi lamang ang aking mga alagad ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. Maging isa nawa silang lahat, Ama. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayun din naman, maging isa sila sa atin upang maniwala ang sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin. Ang karangalang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila’y ganap na maging isa, gaya nating iisa: ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. At sa gayon, makikilala ng sanlibutan na sinugo mo ako, at sila’y iniibig mo katulad ng pag-ibig mo sa akin.
“Ama, nais kong maksama sa aking kinaroroonan ang mga ibinigay mo sa akin, upang mamasdan nila ang karangalang bigay mo sa akin, sapagkat inibig mo na ako bago pa nilikha ang sanlibutan. Makatarunggang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at nalalaman ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala kita sa kanila, at ipakikilala pa, upang ang pag-ibig mo sa akin ay sumapuso nila at ako naman’y sumakanila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
https://www.youtube.com/watch?v=pfh3RUGhhSA
Biyernes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 25, 13b-21
Salmo 102, 1-2. 11-12. 19-20ab
Panginoo’y may luklukang matatag sa kalangitan.
Juan 21, 15-19
UNANG PAGBASA
Paghayag 1, 5. 6
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at si Berenice upang bumati kay Festo. Nang matagal-tagal na sila roon, inilahad ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo,” wika niya. “Nang ako’y nasa Jerusalem, isinakdal siya sa akin ng mga punong saserdote at ng matatanda ng mga Judio at hininging parusahan siya. Sinagot ko isla na hindi ugali ng mga Romano ang magparusa sa sinumang nasasakdal nang hindi muna nagkakaharap ang magkabilang panig, at nagkakaroon ng pagkakataong makapagtanggol sa sarili ang nasasakdal. Kaya’t nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko sa hukuman ang taong iyon. Nang magkaharap-harap sila, siya nama’y hindi nila ipinagsakdal sa anumang mabigay na pagkakasala na inaakal kong ipararatang nila. Ang pinagtatalunan lang nila at tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang taong ang pangala’y Hesus. Patay na ang taong ito, ngunit ipinipilit naman ni Pablo na siya’y buhay. Hindi ko malaman kung ano ang gagawin sa bagay na ito kaya’t tinanong ko siya kung ibig niyang sa Jerusalem siya litisin. Ngunit tumutol si Pablo at hiniling na ipaubaya sa Emperador ang pagpapasiya sa kanyang usapin. Kaya’t pinabantayan ko siya upang ipadala sa Emperador.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 11-12. 19-20ab
Tugon: Panginoo’y may luklukang matatag sa kalangitan.
Panginoo’y papurihan purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Tugon: Panginoo’y may luklukang matatag sa kalangitan.
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayon ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Tugon: Panginoo’y may luklukang matatag sa kalangitan.
Ang Poon nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
Mula doon, sa nilikha’y maghaharing walang hanggang.
O purihin ninyo siya, kayong mga anghel ng Diyos,
kayong mga nakikinig at sa kanya’y sumusunod!
Tugon: Panginoo’y may luklukang matatag sa kalangitan.
MABUTING BALITA
Juan 21, 15-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Nang muling napakita si Hesus sa mga alagad niya at nang makakain sila, tinanong ni Hesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman niyong iniibig ko kayo.” Ani Hesus, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa,” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro, sapagkat makatlo siya tinanong: “Iniibig mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, nalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo’y mapararangalan niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
https://www.youtube.com/watch?v=1nY2B5yo9vs
Sabado sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 28, 16-20. 30-31
Salmo 10, 4. 5. at 7
Poon, ang mga mabuti ay kapiling mo parati.
Juan 21, 20-25
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 28, 16-20. 30-31
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Pagdating namin sa Roma, si Pablo’y pinahintulutang umupa ng sariling tirahan kasama ang isang kawal na pinakatanod niya.
Makaraan ang tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ng mga pangunahing Judio sa lungsod. Nang magkatipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, bagamat wala akong ginawa laban sa ating bansa o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at isinakdal sa kinatawan ng pamahalaang Romano. Matapos akong litisin, ako sana’y palalayain na sapagkat wala naman akong ginawa na dapat parusahan ng kamatayan. Ngunit tumutol ang mga Judio, kaya’t napilitan akong dumulog sa Emperador, bagamat wala akong sakdal laban sa ating mga kababayan. Nagagapos ako ng tanikalang ito dahil kay Hesus, ang pag-asa ng Israel. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling kong makausap kayo.” Humigit-kumulang sa dalawang aong nanirahan si Pablo sa Roma, sa bahay na kanyang inuupahan, at tinanggap niya ang lahat ng nagsadya sa kanya. Hayagan at walang sagabal na nangangaral siya tungkol sa paghahari ng Diyos at sa Panginoong Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 10, 4. 5 at 7
Tugon: Poon, ang mga mabuti ay kapiling mo parati.
Ang Panginoong Diyos ay matatagpuan sa banal na templo
at doon naman sa mataas na langit, naroon ang trono;
at magbuhat doon ay pinagmamasdan ang lahat ng tao,
walang maliligid anuman ang gawin ng lahat ng ito.
Tugon: Poon, ang mga mabuti ay kapiling mo parati.
Lahat ng mabuti pati ang masama ay sinisiyasat,
namumuhing lubo siya sa suwail na wala nang batas.
Ang Poon ay tapat, sa gawang mabuti siya’y nalulugod
at sa piling niya, mabubuhay silang sa kanya’y sumunod.
Tugon: Poon, ang mga mabuti ay kapiling mo parati.
MABUTING BALITA
Juan 21, 20-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, lumingo si Pedro at nakita niyang sumusunod ang alagad na minamahal ni Hesus – yaong humilig sa dibidb ni Hesus nang sila’y naghahapunan at nagtanong, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo?” Nang makita siya ni Pedro, tinanong nito si Hesus, “Panginoon, ano po naman ang mangyayari sa taong ito?” Sumagot si Hesus, Kung ibig kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo? Sumunod ka sa akin!” Kumalat sa mga kapatid ang balitang hindi mamamatay ang alagad na ito, bagamat hindi sinabi ni Hesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung ibig kong mabuhay siya haggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo?”
Ito nga ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito; siya rin ang sumulat ng mga ito, at alam naming tunay ang kanyang patotoo.
At marami pang ginawa si Hesus na kung susulating lahat, inaakala kong hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na masusulat.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
https://www.youtube.com/watch?v=1jxzPe-a48U
Linggo ng Pentekostes
Mga Gawa 2, 1-11
Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34
Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.
1 Corinto 12, 3b-7. 12-13
Juan 20, 19-23
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 1-11
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Nang sumapit ang araw ng Pentekostes, nagkatipon silang lahat sa isang lugar. At biglang narinig ang isang ugong mula sa langit, animo’y hagunot ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang wari’y mga dilang apoy na lumapag sa bawat isa sa kanila. At sialang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. May mga Judiong buhat sa iba’t-ibang bansa, na naninirahan noon sa Jerusalem, mga taong palasamba sa Diyos. Nang marinig ang ugong na ito, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat sinasalita ng mga alagad ang mga wika nila. Sa kanilang pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba Galileo silang lahat? Bakit ang atin-ating katutubong wika ang naririnig natin sa kanila? Tayo’y mga taga-Partia, mga taga-Media, mga taga-Elam; mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocia sa Ponto, at sa Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Panfilia, Egipto at sa mga saklaw ng Libia na sakop ng Cirene, at mga nakikipanirahan mula sa Roma, maging mga Judio at mga naakit sa Judaismo. May mga taga-Creta at Arabia pa rito. Paano sila nakapagsasalita sa ating-ating wika tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.
SAMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34
Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Pinupuri ka Poong Diyos nitong aking kaluluwa,
O Panginoong Diyos, kay dakila mong talaga!
Sa daigdig ikaw roon, kay raming iyong likha.
Sa daming nilikha mo’y nalaganapan ang lupa.
Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Natatakot mangamatay kung kitlin mo ang hininga;
Mauuwi sa alabok, pagkat doon mula sila.
Taglay mo ang Espiritu upang buhay ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Sana ang ‘yong karangala’y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama’y kagalakan.
Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal.
Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 12, 3b-7. 12-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Hindi masasabi ninuman, “Panginoon si Hesus,” kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo.
Iba’t ibang ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba’t iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba’t iba ang mga gawain ngunit iisa lamang ang Diyos na sumasalahat at ng taong gumagawa ng mga iyon. Ang bawat isa’y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu, para sa ikabubuti ng lahat.
Sapagkat si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espirit upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Juan 20, 19-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayun din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawag na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
https://www.youtube.com/watch?v=o2_RRPpIbOA
Lunes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Sirak 17, 20-28
Salmo 31, 1-2. 5. 6. 7
Sambayanang tapat sa D’yos ay magpupuring malugod.
Marcos 10, 17-27
UNANG PAGBASA
Sirak 17, 20-28
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Laging tinatanggap ng Diyos ang nagbabalik-loob,
at inaaliw ang nawawalan ng pag-asa.
Iwan mo na ang kasalana’t lumapit ka sa Panginoon,
magmakaamo ka sa kanya at mapapawi ang iyong sala.
Manumbalik ka na sa Kataas-taasaan;
talikuran mo na ang gawang masama,
at kamuhian mo ang kanyang kinasusuklaman.
Sino ang magpupuri sa Panginoon sa daigdig ng mga patay?
Ang mga buhay lamang ang maaaring magpuri sa kanya.
Ang mga patay, sapagkat sila’y wala na, ay di maaaring magpuri sa Panginoon;
mga buhay lamang at malulusog ang maaaring magpuri sa kanya.
Kay laki ng pagkahabag ng Panginoong;
anong dali niyang magpatawad sa nagbabalik-loob sa kanya!
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 31, 1-2. 5. 6. 7
Tugon: Sambayanang tapat sa D’yos ay magpupuring malugod.
Mapalad ang tao na pinatawad na yaong kasalanan,
at nalimot na rin ang kanyang nagawang mga pagsalansang;
mapalad ang taong sa harap ng Poon ay di naparatangan
dahilan sa siya ay di nagkasala at hindi nanlinlang.
Tugon: Sambayanang tapat sa D’yos ay magpupuring malugod.
Ako ay lumapit sa iyong harapan at sala’y inamin,
ang aking ginawang mga pagsalansang di ko inilihim;
pinagpasiyahan kong ang lahat ng ito sa iyo’y idaing,
at aking natamo ang iyong patawad sa sala kong angkin.
Tugon: Sambayanang tapat sa D’yos ay magpupuring malugod.
Ang lahat ng tapat, sa panahong gipit dapat manalangin,
upang bumugso man ang malaking baha’y di sila abutin.
Tugon: Sambayanang tapat sa D’yos ay magpupuring malugod.
MABUTING BALITA
Marcos 10, 17-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nang paalis na si Hesus ay may isang lalaking patakbong lumapit, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos. Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magdadaya; igalang mo ang iyong ama’t ina,’” “Guro,” sabi ng lalaki, “ang lahat po ng iya’y tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata.” Magiliw siyang tinitigan ni Hesus, at sinabi sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ko, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.
Tiningnan ni Hesus nag mga nasa paligid niya at sinabi sa kanyang mga alagad, “Napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Nagtaka ang mga alagad sa pananalitang ito. Muling sinabi ni Hesus, “Mga anak, talagang napakahirap mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos! Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t sila ‘y nagtanungan. “Kung gayo’y sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi sa kanya, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
https://www.youtube.com/watch?v=LpGOV8b4zbI&feature=youtu.be
Martes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Paggunita kay San Felipe Neri, pari
Sirak 35, 1-15
Salmo 49, 5-6. 7-8. 14 at 23
Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n’yang lubos.
Marcos 10, 28-31
UNANG PAGBASA
Sirak 35, 1-15
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Parang nang nag-alay ng maraming handog ang sumusunod sa Kautusan:
Sapagkat ang tumatalima sa mga utos ay para nang nag-aalay ng mga handog na pinagsasaluhan;
angtumatanaw ng utang-na-loob ay para nang naghandog ng mainam na harina,
at ang nagkakawanggawa ay para nang nag-alay ng handog ng pasasalamat.
Umiwas ka sa masama at kalulugdan ka ng Panginoon,
mag-ingat kang huwag makaapi at para ka nang nagbayad-puri para sa iyong sala.
Huwag kang haharap sa Panginoon ng walang dalang anuman,
sapagkat ang lahat ng handog na ito ay itinatagubilin ng Kautusan.
Kapag ang taong matuwid ay nag-alay ng kanyang handog,
ang bango ng taba na sinusunog sa dambana ay pumapailanlang hanggang sa luklukan ng Kataas-taasan.
Kinalulugdan ng Panginoon ang handog ng taong matuwid sa kanya,
ito’y isang alaala na hindi niya malilimutan.
Paranglan mo ang Panginoon nang buong katapatan,
at huwag mong panghinayangan ang mga unang bungang inihahandog mo sa kanya
Ialay mo ang iyong handog nang may ngiti sa mga labi,
at magbigay ka ng ikapu nang may galak sa puso.
Maghandog ka sa Panginoon nang ubos-kaya,
maging bukas-palad ka sa kanya, gaya ng ginawa niya sa iyo.
Ang Panginoon ay masaganang gumanti,
gagantihan ka niya nang pitong ibayo.
Huwag mong susuhulan ang Panginoon, sapagkat di siya tumatanggap ng suhol,
huwag kang aasa sa handog na galing sa masamang paraan.
Ang Panginoon ay Diyos ng katarungan, wala siyang itinatanging sinuman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 5-6. 7-8. 14 at 23
Tugon: Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n’yang lubos.
Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa tipan ko’t naghahandog niyong hain.
Ang buong kalangita’y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos.
Tugon: Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n’yang lubos.
Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko’y unawain;
ako’y mayroong patotoo’t saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana’y sinusunog.
Tugon: Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n’yang lubos.
Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
Ang parangal na nais ko na sa aki’y ihahain
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.
Tugon: Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n’yang lubos.
MABUTING BALITA
Marcos 10, 28-31
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San MArcos
Noong panahong iyon, nagsalita si Pedro kay Hesus, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.” Sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang sinumang mag-iwan ng bahay, o mga kapatid, ina, ama, mga anak, mga lupa, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap ng makasandaang ibayo sa buhay na ito – mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupa – ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa kabilang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahuhuli na magiging una.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
https://www.youtube.com/watch?v=zZbl8Bb98LA
Miyerkules ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Sirak 36, 1-2. 5-6. 11-17
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13
O Diyos ng sanlibutan, kami’y iyong kahabagan.
Marcos 10, 32-45
UNANG PAGBASA
Sirak 36, 1-2. 5-6. 11-17
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Mahabag ka sa amin, Panginoon, Diyos ng sanlibutan,
lingapin mo kami, at gawin mong matakot sa iyo ang lahat ng bansa.
Sa gayun makikilala nila, tulad ng pagkakilala namin na walang ibang Diyos liban sa iyo, Panginoon.
Magpakita ka uli ng mga kababalaghan, gumawa ka ng mga bagong himala.
Tipunin mong lahat ang mga lipi ni Israel, at ibalik mo sila sa lupaing ipinamana mo sa kanila noong una.
Kaawaan mo, Panginoon, ang bayang itinuturing na bayan mo,
ang Israel na inari mong anak na panganay.
Kahabagan mo ang aming banal na lungsod,
ang Jerusalem na pinili mong tirahan.
Punuin mo ang Sion ng mga awit ng pagpupuri sa iyo,
Punuin mo ng iyong kaluwalhatian ang iyong banal na tahanan.
Patunayan mo sa iyong bayan ang mga ginawa mo noong unang panahon,
tuparin mo ang mga pahayag na ginawa mo sa pamamagitan ng iyong pangalan.
Gantihin mo na ang mga umaasa sa iyo,
patunayan mo, Panginoon, na mapagtitiwalaan ang iyong mga propeta.
Ipagkaloob mo na ang idinadalangin ng iyong mga lingkod,
nawa’y manaog na sa bayan mo ang pagpapala ni Aaron.
Sa gayo’y makikilala ng lahat ng tao sa sanlibutan
na ikaw nga ang Panginoon, ang Diyos na walang hanggan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13
Tugon: O Diyos ng sanlibutan, kami’y iyong kahabagan.
Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw.
Tugon: O Diyos ng sanlibutan, kami’y iyong kahabagan.
Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap
at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat.
Tugon: O Diyos ng sanlibutan, kami’y iyong kahabagan.
Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
Kaming iyong lingkod,
lingkod mo kaming parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi’t magpapasalamat sa iyong pangalan!
Tugon: O Diyos ng sanlibutan, kami’y iyong kahabagan.
MABUTING BALITA
Marcos 10, 32-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nasa daan ang mga alagad patungong Jerusalem. Nauuna sa kanila si Hesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang mga taong sumusunod sa kanya. Ibinukod ni Hesus ang Labindalawa at sinabi ang mangyayari sa kanya. Wika niya, “Ngayo’y paahon tayo sa Jerusalem. Ang Anak ng Tao’y ipagkakanulo sa mga punong saserdote at sa mga eskriba. KAnilang hahatulan siya ng kamatayan, at ibibigay sa mga Hentil. Siya’y tutuyain nila, luluran, hahagupitin, at papatayin. Ngunit muli siyang mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw.”
Lumapit kay Hesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedro, at ang sabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” “Ano yon?” tanong ni Hesus. Sumagot sila, “Sana’y makaupo kami katabi ninyo sa inyong kaharian – isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Hesus sa kanila. “Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko? Pabibinyag ba kayo sa sa binyag na daranasin ko?” “Opo,” tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ang hirap na babatahin ko’y babatahin nga ninyo, at kayo’y bibinyagan sa binyag na daranasin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan.”
Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Hesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay siyang pinapanginoon, at ang mga dinadakila ay siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuma sa inyo ang ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
https://www.youtube.com/watch?v=PhYWhyW6vmw
Huwebes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Sirak 42, 15-26
Salmo 32, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9
Ang Poon ay nagsalita, kaya’t langit ay nalikha.
Marcos 10, 46-52
Mga Pagbasa – Huwebes, Mayo 28, 2015
Huwebes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Sirak 42, 15-26
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Sasariwain ko naman sa alaala ang mga ginawa ng Panginoon,
isasalaysay ko ngayong ang aking mga nakita.
Ang lahat ng bagay ay nagmula sa kanyang salita
kaya’t ang sangnilikha ay sumusunod sa kanya.
Tulad ng liwanag ng araw na laganap sa lahat ng lugar,
ang kaluwalhatian ng Panginoon ay umaapaw sa bawat nilikha.
Ngunit hindi kaya ninuman – kahit ng mga anghel ng Panginoon,
na isalaysay na lahat ang kanyang mga kababalaghan.
Kahit na ang mga ito ay binigyan niya ng kapangyarihang
tumayo sa harap ng di mailarawan niyang kaluwalhatian.
Naaarok niya ang walang hanggang kalaliman
at natatarook ang kaibuturan ng puso ng tao,
natatalos niya ang kanilang mga lihim.
Sapagkat ang lahat ay nalalaman niya
at nababasa rin niya ang tanda ng mga panahon.
Nasasabi niya ang nakalipas na at ang darating pa,
at hayag sa kanya ang pinakatagong lihim.
Walang salitang nalilingid sa kanya,
walang kaisipang hindi niya nababatid.
Ang lahat ng ginawa ng kanyang karunungan
ay iniayos niya nang napakainam
mananatili siya magpakailanman.
Hindi siya mababawasan at hindi rin mararagdagan,
hindi niya kailangan ang payo ninuman.
Lahat ng kanyang ginawa ay kahanga-hanga,
pati ang pinakamaliit na tilamsik ng apoy.
Ang lahat ng nilalang ay nabubuhay at nananatili.
At bawat isa’y tumutugon sa bawat pangangailangan.
Ang lahat ng nilalang ay magkakatambal,
bawat isa ay mayroong katapat.
Ngunit walang ginawa ang Panginoon
na masasabing kulang.
Ang kabutihan ng isa ay nakapupuno sa kabutihan ng iba.
Sino ang magsasawa ng paghanga sa kanyang karilagan?
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9
Tugon: Ang Poon ay nagsalita, kaya’t langit ay nalikha.
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!
Tugon: Ang Poon ay nagsalita, kaya’t langit ay nalikha.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Tugon: Ang Poon ay nagsalita, kaya’t langit ay nalikha.
Sa utos ng Poon, nalikha ang langit,
ang araw, ang buwa’t talang maririkit;
sa isang dako, tubig ay tinipon,
at sa kalaliman ay doon kinulong.
Tugon: Ang Poon ay nagsalita, kaya’t langit ay nalikha.
Matakot sa Poon ang lahat sa lupa!
Dapat katakutan ng buong nilika!
Ang buong daigdig sa kanyang salita
ay pawang nayari, lumitaw na bigla.
Tugon: Ang Poon ay nagsalita, kaya’t langit ay nalikha.
MABUTING BALITA
Marcos 10, 46-52
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba. Nang umaalis na sila roon, may naraanan silang isang bulag na nakupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya’y si Bartimeo, anak ni Timeo. Nang marinig niyang naroon si Hesus na taga-Nazaret, sumigaw siya ng ganito: “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Pinagsabihin siya ng mga tao at pinatatahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Hesus at kanyang sinabi, “Tawagin ninyo siya.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob,” sabi nila. “Tumindig ka. Ipinatatawag ka niya.” Iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” tanong sa kanya ni Hesus. Sumagot ang bulag, “Guro, ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus, “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” Noon di’y nakakita siya, at sumunod kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
https://www.youtube.com/watch?v=Qqtt6_mGppE
Biyernes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Sirak 44, 1. 9-13
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b
Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.
Marcos 11, 11-26
Mga Pagbasa – Biyernes, Mayo 29, 2015
Biyernes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Sirak 44, 1. 9-13
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Papurihan naman natin ngayon ang ating mga ninuno,
ang mga lalaking natanyag noong kani-kanilang panahon.
Mayroon namang hindi na natatandaan ninuman,
at lubusan nang naglaho ang knailang panagalan.
Para silang hindi nagdaan sa daigdig na ito,
at gayun din ang nangyari sa kanilang mga angkan.
Narito ang talaan ng mga lalaking tunay na may tako sa Diyos,
ang kanilang ginawa’y hindi pa nalilimutan.
Patuloy na mamanahin ng kanilang mga inapo
ang kanilang magandang pangalan,
at ito ang kanilang magiging mahalagang kayamanan.
Dahil sa tipan sa kanila ng Panginoon,
nanatiling matatag ang kanilang angkan.
At alang-alang pa rin sa kanila,
ay magpapatuloy hanggang sa kanilang kaapu-apuhan.
Hindi mapuputol ang kanilang lahi,
at hindi maglalaho ang kanilang katanyagan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b
Tugon: Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.
Ang Panginoo’y purihin, awitan ng bagong awit,
parihin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha
dahilan sa yong hari, ikaw Sion ay matuwa.
Tugon: Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.
Paruhin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpa’t tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.
Panginoo’y nagagalka sa kanyang mga hirang,
sa nangagpapakumbaba’y tagumpay ang ibibigay.
Tugon: Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
sa kanilang pagpipista ay magsaya’t mag-awitan.
Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan.
Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang kanyang mga hirang.
Tugon: Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.
MABUTING BALITA
Marcos 11, 11-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Sa gitna ng pagbubunyi ng mga tao, pumunta si Hesus sa Jerusalem at pumasok sa templo. Pagkatapos tingnan ang lahat ng bagay doon, lumabas siya at nagbalik sa Betania, kasama ang Labindalawa, palibhasa’y gumagabi na noon.
Kinabukasan, nang sila’y pagbalik na mula sa Betania, nagutom si Hesus. Natanaw nito sa di-kalayuan ang isang puno ng igos na madahon. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Ngunit wala siyang nakita kundi mga dahol, sapagkat hindi pa panahon ng igos noon. Kaya’t sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ito’y nayirinig ng kanyang mga alagad.
Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok sa templo si Hesus. Kanyang ipinagtabuyan ang mga nagbibili at namimili roon at ipinagtaob ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Pinagbawalan niyang magdaan sa loob ng templo ang sinumang may dala-dalahan. At tinuruan niya ang mga tao. Sinabi niya, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw.”
Narinig ito ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Buhat noo’y humanap sila ng paraan upang mapatay si Hesus, sapagkat natatakot sila sa kanya, dahil sa humahanga ang lahat ng tao sa kanyang turo.
Pagdating ng gabi, lumabas na naman ng lungsod si Hesus at ang kanyang mga alagad.
Kinaumagahan, pagdaan nila’y nakita nilang patay na ang puno ng igos. Naalalala ni Pedro ang nangyari at kanyang sinabi kay Hesus, “Guro tingnan ninyo! Namatay ang puno ng igos na sinumpa ninyo.” Sumagot si Hesus, “Manalig kayo sa Diyos. tandaan ninyo ito: kung sabihin ninuman sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan; tumalon ka sa dagat,’ na hindi siya nag-aalinlangan kundi nananalig na mangyayari ang sinabi niya, ito’y gagawin ng Diyos para sa kanya. Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa panalangin, manalig kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo. Kapag kayo’y mananalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ipatawad din naman sa inyo ng inyong Amang nasa langit ang inyong pagkakasala. Ngunit kung hindi kayo magpatawad, hindoi rin naman kayo patatawarin ng iyong Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
https://www.youtube.com/watch?v=8dvX7rtSdxk
Sabado ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Sirak 51, 17-27
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Ating kabutiha’t lugod ay nasa loobin ng D’yos.
Marcos 11, 27-33
Mga Pagbasa – Sabado, Mayo 30, 2015
Sabado ng Ika-8 Linggo ng Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Sirak 51, 17-27
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Pinasasalamatan kita at pinupuri,
O Panginoon, pinupuri kita!
Nang ako’y bata pa, bago pa ako naglakbay,
ang lagi ko nang dalangin ay pagkalooban ako ng Karunungnan.
Nagpunta ako sa templo at siya ang aking hiniling,
at siya kong hahanapin magpahanggang wakas.
Mula sa aking kabataan hanggang sa aking pagtanda,
ang Karunungan lamang ang kagalakan ng aking puso.
Mula pa sa aking pagkabata, sinikap ko nang mamuhay nang matuwid,
masundan ko lamang ang landas ng Karunungan.
Nagsisimula pa lamang akong makinig
ay nakamtan ko na ang Karunungan;
sa gayun ay nakatuklas ako ng maraming aral.
Lagi kong sinikap na matuto,
at nagpapasalamat ako sa lahat ng nagturo sa akin.
Ang aking panata’y mamuhay ako
ayon sa tuntunin ng Karunungan,
at sinikap kong laging gumawa ng mabuti,
at ito’y hindi ko pagsisisihan magpakailanman.
sinikap kong mabuti na mag-angkin ng Karunungan,
at naging maingat ako sa aking pag-uugali.
Lagi kong kinikilala ang aking kakapusan sa bagay na ito,
kaya’t sa Diyos ako humihingi ng tulong.
Siya ang laging nilulunggati ng aking puso,
at nagtagpuan ko siya sa pamamagitan ng malinis na pamumuhay.
Umunlad ako sa Karunungan mula pa nang siya’y aking natagpuan
at hindi ko na siya hihiwalayan kailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Tugon: Ating kabutiha’t lugod ay nasa loobin ng D’yos.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.
Tugon: Ating kabutiha’t lugod ay nasa loobin ng D’yos.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Tugon: Ating kabutiha’t lugod ay nasa loobin ng D’yos.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay.
Tugon: Ating kabutiha’t lugod ay nasa loobin ng D’yos.
Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais.
Higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.
Tugon: Ating kabutiha’t lugod ay nasa loobin ng D’yos.
MABUTING BALITA
Marcos 11, 27-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyong, pumunta na naman si Hesus at ang mga alagad sa Jerusalem. Samantalang si Hesus ay naglalakad sa templo, nilapitan siya ng mga punong saserdote, ng mga eskriba, at ng matatanda ng bayan. Tinanong siya, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito?” Sumagot si Hesus, “Tatanungin ko rin kayo. Pag sinagot ninyo ako, saka ko naman sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbinyag – sa Diyos ba o sa mga tao?” At sila’y nag-usap-usap: “Kung sabihin nating mula sa Diyos, itatanong naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ Ngunit kung sabihin nating mula sa tao,” natatakot naman sila at baka kung ano ang gawin sa kanila ng mga tao, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta. Kaya’t sumagot sila kay Hesus, “Hindi namin alam!” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi korin sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga ginawa ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.