Quantcast
Channel: Tagalog Mass Readings | awitatpapuri.com
Viewing all 4207 articles
Browse latest View live

Mga Pagbasa – Sabado, Nobyembre 28, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=0RmeiIWkXDI

Sabado ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Daniel 7, 15-27
Daniel 3, 82. 83. 84. 85. 86. 87

Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Lucas 21, 34-36

Mga Pagbasa – Sabado, Nobyembre 28, 2015
Sabado ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Daniel 7, 15-27

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Akong si Daniel ay nababagabag sa pangitaing yaon. Kaya’t nilapitan ko ang isang naroon at tinanong tungkol sa mga bagay na aking nasaksihan. At ipinaliwanag naman niya sa akin. Ang sabi niya, “Ang apat na hayop ay apat na haring lilitaw sa daigdig. Ngunit ang mga banal ng Kataas-taasang Diyos ang bibigyan ng karapatang mamahala magpakailanman.”

Sabik na sabik akong malaman ang kahuluhan ng ikaapat na halimaw dahil sa malaking kaibahan nito sa tatlo at sa nakatatakot nitong anyo: bakal ang mga ngipin at tanso ang mga panga. Dinudurog nito saka nilululon ang lahat ng abutan at tinatapakan ang matira. Nananabik din akong malaman ang ibig sabihin ng sampung sungay at ang kahulugan noong isang sungay at ang kahulugan noong isang sungay na tumubo at ikinabunot ng tatlo. Ibig ko ring malaman ang kahulugan ng mata nito at ng bibig na pawang kapalaluan ang sinasabi, at kung bakit ang sungay na ito’y mas malaki kaysa iba.

Samantalang ako’y nakatingin, nakita kong dinigma nito at nilupig ng sungay ang mga lingkod ng Diyos. Pagkatapos, dumating ang nabubuhay magpakailanman at nagbibigay ng hatol sa panig ng mga lingkod ng Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian. Ganito ang sinabi niya sa akin: ‘Ang ikaapat na hayop ay ikaapat na kahariang babangon sa daigdig. Kaiba ito sa lahat ng kaharian pagkat masasakop nito ang sandaigdigan, yuyurakan at iiwang luray-luray. Ang sampung sungay ay kumakatawan sa sampung hari. Sa gitna nila’y mayroong isang sisilang. Iba ito sa karamihan at sa kanyang pagtayo, tatlong hari ang mabubuwal. Magsasalita siya laban sa Kataas-taasan at pahihirapan niya ang mga hirang ng Diyos. Kung maaari’y babaguhin ang kautusan at mga gawaing pangrelihiyon. Ang mga hirang ay ipaiilalim sa kanyang kapangyarihan sa loob ng tatlong taon at kalahati. Ngunit siya’y hahatulan. Kukunin sa kanya ang kaharian at dudurugin siya nang lubusan. Ang kaharian, pati ang karangalan ay ibibigay sa mga hirang na Kataas-taasan. Sila ang maghahari magpakailanman, at maglilingkod sa kanila ang lahat ng kaharian.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 82. 83. 84. 85. 86. 87

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Lahat ng tao sa daigdig, purihin ninyo ang Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, bansang Israel;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, mga saserdote ng Diyos;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, mga lingkod ng Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga tapat;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga banal at mababang-loob;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

MABUTING BALITA
Lucas 21, 34-36

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abuta kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Mga Pagbasa – Linggo, Nobyembre 29, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=PfuuJQDpdZM

Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (C)

Jeremias 33, 14-16
Salmo 24. 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14

Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong D’yos na nagliligtas.

1 Tesalonica 3, 12 – 4, 2
Lucas 21, 25-28. 34-36

Mga Pagbasa – Linggo, Nobyembre 29, 2015
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)

UNANG PAGBASA
Jeremias 33, 14-16

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Sinabi pa ng Panginoon, “Dumarating na ang araw ng tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda. At sa panahong iyon, pasisibulin ko ang matuwid na sanga ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katwiran sa buong lupain. Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila’y tatawagin sa pangalang ito: ‘Ang Panginoon ang ating katwiran.’”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 24. 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14

Tugon: Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong D’yos na nagliligtas.

Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
tagapagligtas ko na inaasahan.

Tugon: Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong D’yos na nagliligtas.

Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.

Tugon: Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong D’yos na nagliligtas.

Tapat ang pag-ibig, siya’ng umaaky
sa tumatalima sa utos at tipan.
Sa tumatalima, siya’y kaibigan,
at tagapagturo ng tipan n’yang banal.

Tugon: Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong D’yos na nagliligtas.
IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 3, 12 – 4, 2

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mga kapatid:
Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Kung ito ang mangyayari, palalakasin niya ang inyong loob. Sa gayun, kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama sa hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus, kasama ang mga hinirang niya.

Isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Hesus. Sana’y lalo pang pagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon – pamumuhay na ayon sa inyong natutuhan sa amin – upang kayo’y maging kalugug-lugod sa Diyos. Batid naman ninyo ang mga aral na ibinibigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Hesus.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 21, 25-28. 34-36

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”

“Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Lunes, Nobyembre 30, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=jw7LDfbX71k

Kapistahan ni Apostol San Andres

Roma 10, 9-18
Salmo 18, 2-3. 4-5

Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

Mateo 4, 18-22

Mga Pagbasa – Lunes, Nobyembre 30, 2015
Kapistahan ni Apostol San Andres

UNANG PAGBASA
Roma 10, 9-18

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo’y napawawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo’y naliligtas. Sinasabi sa Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya.” Walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Griego. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya ang nagkakaloob ng kanyang kayamanan sa lahat ng tumatawag sa kanya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”

Ngunit paanong tatawagan ng mga tao ang hindi nila sinasampalatayanan? Paano silang mananampalataya kung wala pa silang napapakinggan tungkol sa kanya? Paano naman silang makakapakinig kung walang nangangaral? At paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi siya isinusugo? Ayon sa nasusulat, “O kay inam na makitang dumarating ang mga nagdadala ng Mabuting Balita!” Ngunit hindi lahat ay naniwala sa Mabuting Balita. Ganito ang sabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa sinabi namin?” Kaya’t ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig; at makakapakinig lamang kung may mangangaral tungkol kay Kristo.

Ngunit ang tanong ko’y hindi ba sila nakapakinig? Nakapakinig nga sila. Sapagkat,

“Anot sa lahat ng dako ang tinig nila, at ang mga salita nila’y laganap sa sanlibutan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5

Tugon: Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.

Tugon: Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.

Tugon: Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

MABUTING BALITA
Mateo 4, 18-22

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.” Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.

Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa bangka, kasama ang kanilang ama, at naghahayuma ng lambat. Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Martes, Disyembre 1, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=IDfvPj7Fwck

Martes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 11, 1-10
Salmo 71, 2. 7-8. 12-13. 17

Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

Lucas 10, 21-24

Mga Pagbasa – Martes, Disyembre 1, 2015
Martes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Isaias 11, 1-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sa araw na iyon, sa lahi ni Jesse ay lilitaw ang isang hari,
tulad ng supling mula sa isang tuod.
Mananahan sa kanya ang Espiritu ng Poon,
Bibigyan siya ng katalinuhan at pagkaunawa,
ng kaalaman at kapangyarihan,
ng karunungan at takot sa Panginoon.
Kagalakan niya ang tumalima sa Poon.
Hindi siya hahatol ayon sa nakikita
O batay sa narinig sa iba.
Bibigyan niya ng katarungan ang mga dukha,
ipagtatanggol ang karapatan ng mga kawawa.
Ang salita niya’y parang tungkod na ipapalo sa malulupit,
ang hatol niya’y kamatayan sa masasama.
Katarungan at katapatan ang paiiralin niya sa kanyang pamamahala.
Mahihirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero,
matutulog ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
Magsasama ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila’y batang paslit.
Ang baka at ang oso’y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila’y magkakatabing matutulog,
kakain ng damo ang leon na animo’y toro.
Maglalaro ang batang pasusuhin sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi maaamo ang bata kahit laruin ang ulupong.
Walang mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng banal na bundok;
sapagkat kung paanong puno ng tubig ang karagatan,
laganap sa buong lupain ang pagkakilala sa Panginoon.
Sa araw na iyon, isisilang ang hari mula sa lahi ni Jesse,
ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga baya’y tutungo sa banal na lungsod upang parangalan siya.
at magiging maningning ang kanyang luklukan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 71, 2. 7-8. 12-13. 17

Tugon: Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

Turuan mo yaong, haring humatol ng katuwiran,
Sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
Upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan;
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.

Tugon: Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.

Tugon: Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao’y siya’y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.

Tugon: Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

Nawa yaong kanyang ngalan ay h’wag nang malimutan
manatiling laging bantog na katulad nitong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,
at sa Diyos, silang lahat dumadalanging:
“Harinawa pagpalain kaming lahat,
tulad niyang pinagpala.”

Tugon: Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

MABUTING BALITA
Lucas 10, 21-24

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan ng langit ay lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo.

Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”

Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Miyerkules, Disyembre 2, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=787o0RMaCTQ

Miyerkules sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 25, 6-10a
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.

Mateo 15, 29-37

Mga Pagbasa – Miyerkules, Disyembre 2, 2015
Miyerkules sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Isaias 25, 6-10a

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sa araw na iyon:
Sa Bundok ng Sion,
aanyayahan ng Panginoon ang lahat ng bansa,
gagawa siya ng isang piging para sa lahat
na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin.
Sa bundok ding ito’y papawiin niya ang kalungkutang
naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan na niiyang papawiin ang kamatayan,
papahirin ng Panginoon ang luha ng lahat;
aalisin niya sa kahihiyan ang kanyangn bayan.
Kung magkagayon, sasabihin ng lahat:
“Siya ang ating Diyos na ating pinagtitiwalaan,
ang inaasahan nating magliligtas sa atin;
magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.”
Iingatan ng Diyos ang bundok na ito.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Tugon: Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

Tugon: Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landisa’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Tugon: Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
Nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

Tugon: Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

Tugon: Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.

MABUTING BALITA
Mateo 15, 29-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nagbalik si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At siya’y umahon sa burol at naupo. Nagdatingan ang napakaraming tao na may dalang mga pilay, bulag, pinagkaw, pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga maysakit sa harapan ni Hesus at kanyang pinagaling sila. Namangha ang mga tao nang makita nilang nagsasalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga pinagkaw, nakalalakad na ang mga pilay, at nakakikita na ang mga bulag. At nagpuri sila sa Diyos ng Israel.

Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi, “Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Hindi ko ibig na sila’y paalising gutom; baka sila mahio sa daan.” At sinabi ng mga alaga, “Saan po tayo kukuha rito ng tinapay na makasasapat sa gayong karaming tao?” “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Hesus sa kanila. “Pito po,” sagot nila, “at ilang maliliit na isda.” Ang mga tao’y pinaupo ni Hesus sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpapasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad para sa ipamahagi sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog; at nang tipunin nila ang mga tinapay na lumabis, nakapuno sila ng pitong bakol na malalaki.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Huwebes, Disyembre 3, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=Rt01KgXe1Tc

Paggunita kay San Francisco Javier, Pari
Huwebes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 26, 1-6
Salmo 117, 1 at 8-9. 19-21. 25-27a

Pinagpala’ng dumarating sa ngalan ng Poon natin.

Mateo 7, 21. 24-27

Mga Pagbasa – Huwebes, Disyembre 3, 2015
Huwebes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Paggunita kay San Francisco Javier, Pari

UNANG PAGBASA
Isaias 26, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sa araw na iyo’y ganito ang aawitin sa Juda:
“Matatag ang ating lungsod,
Hindi tayo maaano,
Matibay ang muog.
Bayaang bukas ang mga pintuan,
Upang makapasok ang bayang matapat.
Binibigyan mo ng lubod na kapayapaan
Ang mga taong matapat na tumatalima
At nagtitiwala sa iyo.
Magtiwala kayong lagi sa Panginoon,
Pagkat siya ang kublihang walang hanggan.
Ibinababa niya ang mga palalo,
Lungsod mang matatag ay ibinabagsak;
Pati muog ay winawasak,
Hanggang sa maging tapakan ng mga taong-hamak
At tuntungan ng mga mahirap.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1 at 8-9. 19-21. 25-27a

Tugon: Pinagpala’ng dumarating sa ngalan ng Poon natin.

O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Mabuting di hamak,
na doon sa Poon magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala sa Poon ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.

Tugon: Pinagpala’ng dumarating sa ngalan ng Poon natin.

Ang mga pintuan
ng banal na templo’y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong Panginoo’y papupurihan.
ito yaong pintong
pasukan ng Poon, ang Panginoong Diyos;
tanging ang matuwid
ang pababayaang doo’y makapasok!
aking pinupuri
Ikaw, O Poon, yamang pinakinggan,
dininig mo ako’t pinapagtagumpay.

Tugon: Pinagpala’ng dumarating sa ngalan ng Poon natin.

Kami ay iligtas,
tubusin mo, Poon, kami ay iligtas,
at pagtagumpayin sa layuni’t hangad.
Ang pumaparito
sa ngalan ng Poon ay pagpapalain;
magmula sa templo,
mga pagpapala’y kanyang tatanggapin!
ang Poon ang Diyos.

Tugon: Pinagpala’ng dumarating sa ngalan ng Poon natin.

MABUTING BALITA
Mateo 7, 21. 24-27

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit.

“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Biyernes, Disyembre 4, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=v2qJ6OBiDPY

Biyernes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 29, 17-24
Salmo 26, 1. 4. 13-14

Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.

Mateo 9, 27-31

Mga Pagbasa – Biyernes, Disyembre 4, 2015
Biyernes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Isaias 29, 17-24

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Hindi magluluwat,
ang kagubatan ay magiging bukurin,
at ang bukurin ay magiging kagubatan.”
Sa panahong iyon
maririnig ng bingi ang pagbasa sa isang aklat;
at makakakita ang mga bulag.
Ang mababang-loob ay muling liligaya
sa piling ng Panginoon,
at pupurihin ng mga dukha
ang Banal ng Israel.
Sapagkat ang malupit at mapang-upasala
ay mawawala na,
gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.
Lilipulin ng Panginoon ang lahat ng naninirang-puri,
mga sinungaling na saki
at nagkakait ng katarungan sa mga matuwid.
Ito ang sinasabi ng Panginoon,
ang Diyos na tumubos kay Abraham,
tungkol sa sambahayan ni Jacob:
“Mula ngayon, ang bayang ito ay wala nang dapat ikahiya o ikatakot man.
kung makita ng kanyang mga anak
ang aking mga ginawa,
iingatan nilang banal ang aking pangalan;
Banal ni Jacob,
at dadakilain ang Diyos ng Israel.
Ang mga nalilihis sa katotohanan
ay magtatamo ng kaunawaan,
Ang mga matigas ang ulo ay tatanggap na ng pangaral,”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 4. 13-14
Tugon: Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.

Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.

Tugon: Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.

Isang bagay lamang ang aking mithiin,
isang bagay itong sa Poon hinihiling:
ang ako’y lumagi sa banal na templo
upang kagandahan niya’y mamasdan ko
at yaong patnubay niya ay matamo.

Tugon: Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.

Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!

Tugon: Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.

MABUTING BALITA
Mateo 9, 27-31

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, pag-alis ni Hesus sa lugar na iyon, sinundan-sundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila na ang wika, “Anak ni David, mahabag kayo sa amin!” Pagpasok ni Hesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Hesus, “Naniniwala ba kayo na magagawa ko ito?” “Opo, Panginoon,” sagot nila. At hinipo niya ang kanilang mga mata, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong paniniwala.” At hinipo niya ang kanilang mga matam at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong paniniwala.” At nakakita na sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Hesus na huwag sasabihin ito kaninuman. Ngunit nang sila’y makaalis, ibinalita nila sa buong lupaing yaon ang ginawa sa kanila ni Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Sabado, Disyembre 5, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=KAwj_QupQ0M

Sabado sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 30, 19-21. 23-26
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6

Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

Mateo 9, 35 – 10, 1. 6-8

Mga Pagbasa – Sabado, Disyembre 5, 2015
Sabado sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Isaias 30, 19-21. 23-26

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos na Banal ng Israel: Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo tatangis nang matagal! Kayo’y diringgin niya sa inyong pagdaing. Kung ipahintulot man ng Panginoon na kayo’y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong guro, ay hindi magtatago sa inyo. Maririnig ninyo ang kanyang tinig at siya ang laging kaalakbay ninyo upang ituro ang inyong daraanan.

Bibigyan niya kyo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo’y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan ay magkasusumpong ng malawak na pastulan. Ang mga pang-araro ninyong mga baka at asno ay mananagana sa pinakamainam na pagkain ng hayop. Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, dadaloy ang batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagkawasak ng mga muog. Magliliwanag ang buwan na animo’y araw, at ang araw nama’y magliliwanag ng pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito’y mangyayari sa araw na talian at pagalingin ng Panginoon ang sugat ng kanyang bayan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6

Tugon: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

Purihin ang Panginoon!
O kay buti ng umawit at magpuro sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya’y tunay na nakalulugod.
Ang Lungsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.

Tugon: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

Yaong mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat, agad-agad tatapalan.
Alam niya’t natitiyak ang bilang ng mga tala,
isa-isang tinatawag, yaong ngalang itinakda.
Tugon: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

Panginoong ating Diyos ay daila at malakas,
ang taglay n’yang karunugan, ay walang mkasusukat.
Yaong mapagkumbaba’y siya niyang itataas,
ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay ibabagsak.

Tugon: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

MABUTING BALITA
Mateo 9, 35 – 10, 1. 6-8

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga may sakit, anuman ang kanilang karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang anihin.”

Tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Sila’y pinagbilinan ni Hesus: “Hanapon ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Mga Pagbasa – Linggo, Disyembre 6, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=qMqfOP-Zvlg

https://www.youtube.com/watch?v=IXdh_IXvGWU

Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)

Baruc 5, 1-9
Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6

Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.

Filipos 1, 4-6. 8-11
Lucas 3, 1-6

Mga Pagbasa – Linggo, Disyembre 6, 2015
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)

UNANG PAGBASA
Baruc 5, 1-9

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Baruc

Jerusalem, hubarin mo na ang lambong ng panluluksa at isuot mo ang walang hanggang kaningningan ng Diyos. Ibalabal mo ang kanyang katwiran at iputong mo sa iyong ulo ang korona ng kadakilaan ng Diyos na Walang Hanggan. Itatanyag ka niya sa lahat ng dako. Tatawagin kang “Kapayapaang bunga ng katwiran at karangalan ng pagiging maka-Diyos.”

Jerusalem, tumindig ka at umakyat sa mataas na burol, tingnan mo ang iyong mga anak na sa isang tawag lamang ng Diyos na Banal ay natitipon mula sa silangan hanggang sa kanluran. Nagagalak sila pagkat hindi sila kinalilimutan ng Diyos. Bihag silang inagaw sa iyo at kinaladkad na palayo, ngunit ngayo’y ibinabalik sa iyong sakay sa kaluwalhatian na wari’y nakaupo sa maharlikang trono. Iniutos ng Diyos na patagin ang matataas na bundok at walang hanggang burol, at tambakan ang mga lambak upang panatag na makabalik ang bayang Israel na puspos ng kadakilaan ng Diyos. Sa utos niya’y lilitaw ang maraming mababangong punongkahoy upang liliman ang Israel. Aakayin sila ng Diyos, at babalik silang masaya sa pangangalaga ng kanyang habag at katwiran, at liligaya sa liwanag ng kanyang walang hanggang kaningningan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6

Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.

Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik,
ang nangyayaring kasaysaya’y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit

Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.

Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong rikit!”
Dakila ngang masasasabi, pambihiya ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, kagalaka’y di kawasa!

Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.
Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, kami, Poon, ay ibalik.
Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha,
bayaan mo na mag-aning masasaya’t natutuwa.

Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.

Yaong mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis,
ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik!

Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 1, 4-6. 8-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Ang aking mga panalangin para sa inyo ay laging puspos ng kagalakan dahil sa inyong tulong sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol kay Kristo, mula nang ito’y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Tinitiyak ko sa inyong ang mabuting gawa na pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ng pagbabalik ni Kristo Hesus. Nalalaman ng Diyos na ang pananabik ko sa inyo ay kasinlaki ng pagmamahal sa inyo ni Kristo Hesus.

Idinadalangin ko sa Diyos na mag-ibayo ang inyong pag-ibig at masangkapan ng malinaw na pagkakilala at malawak na pagkaunawa upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat ng bagay. Sa gayun, pagdating ng Araw ng pagbalik ni Kristo, matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, at puspos ng magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Hesukristo sa karangalan at kapurihan ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 3, 1-6

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, si Herodes ang tetrarka sa Galilea at ang kapatid naman niyang si Felipe, sa lupain ng Iturea at Traconite. Si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia. Sina Anas at Caifas naman ang mga pinakapunong saserdote noon. Nang panahong iyon, nasa ilang si Juan na anak ni Zacarias. Dumating sa kanya ang salita ng Diyos, kaya’t nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan at nangaral. “Pagsisihan ninyo’y talkdan ang inyong mga kasalanan at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos,” wika niya. “Sa gayo’y natupad ang nasusulat sa aklat ni propeta Isaias”

“Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang:
‘ihanda ninyo ang kanyang mga landas!
Tatambakan ang bawat lambak,
at titibagin ang bawat burol at bundok.
Tutuwirin ang daang liku-liko,
at papatagin ang daang baku-bako.
At makikita ang lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Lunes, Disyembre 7, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=dd_F-voq_rA

Paggunita kay San Ambrosio, Obispo at Pantas ng Simbahan
Lunes sa Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 35, 1-10
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Ang Poon D’yos ay darating upang tayo ay tubusin.

Lucas 5, 17-26

Mga Pagbasa – Lunes, Disyembre 7, 2015
Paggunita kay San Ambrosio, Obispo at Pantas ng Simbahan
Lunes sa Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Isaias 35, 1-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang ulilang lupaing malaon nang tigang
ay muling sasaya,
mananariwa at mamumulaklak ang ilang.
Ang dating ilang ay aawit sa tuwa,
ito’y muling gaganda tulad ng mga
Bundok ng Libano
at mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron,
mamamasdan ng lahat ang kaningningan
at kapangyarihan ng Panginoon.
Inyong palakasin ang mahinang kamay,
at patatagin ang mga tuhod na lupaypay,
ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot,
laksan mo ang iyong loob,
darating na ang Panginoong Diyos,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Ang mga bulag ay makakikita,
at makaririnig ang mga bingi;
katulad ng usa, ang pilay lulundag,
aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa gubat ay bubukal ang tubig
at ang mga batis dadaloy sa ilang;
ang umuusok na buhanginan ay magiging isang lawa,
sa tigang na lupa ay babalong ang tubig.
Ang dating tirahan ng mga asong-gubat,
ay tutubuan ng tambo at talahib.
Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan,
na tatawaging Landas ng Kabanalan.
Ang mga makasalanan at mga hangal,
sa landas na ito ay si makararaan.
Walang leon o mabangis na hayop
na makalalapit doon;
ito’y para lamang sa mga tinubos.
Ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik sa Jerusalem,
masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
Lungkot at dalamhati ay mapapalitan
ng tuwa at galak magpakailanman.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Tugon: Ang Poon D’yos ay darating upang tayo ay tubusin.

Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

Tugon: Ang Poon D’yos ay darating upang tayo ay tubusin.

Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.

Tugon: Ang Poon D’yos ay darating upang tayo ay tubusin.

Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.

Tugon: Ang Poon D’yos ay darating upang tayo ay tubusin.

MABUTING BALITA
Lucas 5, 17-26

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Minsan nang nagtuturo si Hesus, naroon din ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na mula sa mga bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. At sumasakanya ang kapangyarihan ng Panginoon upaang magpagaling ng mga maysakit. May dumating na ilang tao, dala ang isang paralitikong nasa higaan. Nagpipilit silang makapasok sa bahay upang mailagay sa harapan ni Hesus ang maysakit, subalit wala silang maraanan dahil sa dami ng tao. Kaya’t umakyat sila sa bubungan at binutas iyon, saka inihugos sa harapan ni Hesus ang paralitikong nasa higaan. Nang makita ni hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” Sa loob-loob ng mga eskriba’t Pariseo: “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba’t Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinagot niya sila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? Alin ba ang lalong madali: ang sabihin sa paralitiko ‘Pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan’ o ang sabihing ‘Tumindig ka at lumakad’? Patutunayan ko sa inyo ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Iniuutos ko: tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” Pagdaka’y tumindig ang tao sa harapan ng lahat, binuhat ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas sila at tigib ng takot na nagpuri sa Diyos. “Nakakita kami ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!” wika nila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Martes, Disyembre 8, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=GLC2xHPWf4w

Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria

Genesis 3, 9-15. 20
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Umawit sa D’yos ng awa, ang gawain n’ya’y dakila.

Efeso 1, 3-6. 11-12
Lucas 1, 26-38

Mga Pagbasa – Martes, Disyembre 8, 2015
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria

UNANG PAGBASA
Genesis 3, 9-15. 20

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Pagkakain ni Adan sa bunga ng puno, tinawag siya ng Panginoon at tinanong,

“Saan ka naroon?”

“Natakot po ako nang marinig ko kayong nasa hardin; nagtago po ako sapagkat ako’y hubad,” tugon ng lalaki.

“Sinong may sabi sa iyong hubad ka?” tanong ng Diyos. “Bakit kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”

“Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.

“Bakit mo naman ginawa iyon?” tanong ng Diyos sa babae.

“Mangyari po’y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” tugon naman niya.

At sinabi ng Panginoon sa ahas:

“Sa iyong ginawa’y may parusang dapat, na tanging ikaw lang yaong magdaranas; ikaw ay gagapang, ang hatol kong gawad, at alikabok ang pagkaing dapat. Kayo ng babae’y laging mag-aaway, binhi mo’t binhi niya’y laging maglalaban. Ito ang dudurog ng ulo mong iyan, at ang sakong niya’y ikaw ang tutuklaw.” Eva ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat ito ang ina ng sangkatauhan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Tugon: Umawit sa D’yos ng awa, ang gawain n’ya’y dakila.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Tugon: Umawit sa D’yos ng awa, ang gawain n’ya’y dakila.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas/
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinupad.

Tugon: Umawit sa D’yos ng awa, ang gawain n’ya’y dakila.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Tugon: Umawit sa D’yos ng awa, ang gawain n’ya’y dakila.

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 3-6. 11-12

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kaloobam. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!

At dahil kay Kristo, kami’y naging bayan ng Diyos na nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa kanyang panukala at kalooban. Nangyari ito nang kami’y hirangin niya noon pang una – kaming mga unang umasa kay Kristo – sa lalong ikadadakila niya.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Miyerkules, Disyembre 9, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=CnVlolbnYVM

Miyerkules sa Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 40, 25-31
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10

Panginoo’y papurihan, aba kong sariling buhay.

Mateo 11, 28-30

Mga Pagbasa – Miyerkules, Disyembre 9, 2015
Miyerkules sa Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Isaias 40, 25-31

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Saan ninyo ngayon ipaparis ang Diyos?
Siya’y kanino itutulad?
Tumingin kayo sa sangkalangitan.
Sino ba ang lumikha ng mga bituin?
Sino ba ang sa kanila’y nagpapakilos
at isa-isang tumatawag sa kanilang pangalan?
Dahil sa kanyang kapangyarihan,
isa ma’y wala siyang nakaligtaan.
Israel, bakit ikaw ay nagrereklamo
na tila di alintana ng Panginoon
ang kabalisahan mo,
at tila di pansin ang iyong kaapihan?
Di ba ninyo alam, di ba ninyo talos,
na itong Panginoon ang walang hanggang Diyos?
Siya ang lumikhang buong daigdig,
hindi siya napapagod;
sa isipan niya’y walang makatatarok.
Ang mga mahina’t napapagal ay pinalalakas.
Kahit kabataan
ay napapagod at nanlulupaypay.
Ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon
ay magpapanibagong sigla.
Ang lakas nila’y matutulad
sa walang pagod na pakpak ng agila.
Sila’y tatakbi nang tatakbo
ngunit si manghihina,
lalakad nang lalakad
ngunit hindi mapapagod.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10

Tugon: Panginoo’y papurihan, aba kong sariling buhay.

Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

Tugon: Panginoo’y papurihan, aba kong sariling buhay.

Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.

Tugon: Panginoo’y papurihan, aba kong sariling buhay.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.

Tugon: Panginoo’y papurihan, aba kong sariling buhay.

MABUTING BALITA
Mateo 11, 28-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Huwebes, Disyembre 10, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=jOioKmZnIMU

Huwebes sa Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 41, 13-20
Salmo 144, 1 at 9. 10-11. 12-13ab

Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.

Mateo 11, 11-15

Mga Pagbasa – Huwebes, Disyembre 10, 2015
Huwebes sa Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Isaias 41, 13-20

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

“Ako ang Panginoong inyong Diyos
at siyang nagpapalakas sa inyo,
Ako ang may sabing:
‘Huwag kayong matatakot at tutulungan ko kayo.’”
Sinabi pa ng Panginoon,
“Israel, mahina ka man at maliit,
huwag kang matakot,
tutulungan kita,
Ako, ang Diyos ng Israel, ang magliligtas sa iyo.
Gagawin kitang tulad ng panggiik,
bago at matalim ang kanyang ngipin,
at ang mga bundok at burol
ay iyong gigiikin
at duduruging tila alikabok.
Itatahip sila, tatangayin ng hangin,
pagdating ng bagyo ay pakakalatin;
magdiriwang dahil sa akin na inyong Diyos,
pupurihin ninyo ako at dadakilain.
Pag ang aking baya’y
inabot ng matinding uhaw,
na halos matuyo
ang kanilang lalamunan,
Akong Panginoon ang gagawa ng paraan;
Akong Diyos ng Israel ay di mag-papabaya.
Sa tigang na burol
ay magkakailog,
sa gitna ng lambak
masaganang tubig ay bubukal;
Aking gagawin
na ang disyerto ay maging tubigan;
sa tuyong lupain
ay may mga batis na masusumpungan.
Ang mga disyerto’y
pupunuin ko ng akasya’t sedro,
kahoy na olibo at saka ng mirto;
kahoy na sipre, alerses at olmo.
at kung magkagayon,
makikita nila at mauunawa,
na ang nagbalangkas at lumikha nito
ay ang Panginoon, ang Banal ng Israel.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 1 at 9. 10-11. 12-13ab

Tugon: Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.

Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.

Tugon: Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.

Magpupuring lahat sa iyo, o Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihan ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.

Tugon: Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.

Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.

Tugon: Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.

MABUTING BALITA
Mateo 11, 11-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, walang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos ay dakila kaysa sa kanya. Mulang nang mangaral si Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng Diyos ay nagdaranas ng karahasan at inaagaw ng mararahas. Sapagkat ang mga propeta at Kautusan ay nagpahayag tungkol sa paghahari ng Diyos hanggang sa dumating si Juan. Kung maniniwala kayo, siya ang Elias na darating. Ang may pandinig ay makinig!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Biyernes, Disyembre 11, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=OmGZ18B0-ig

Biyernes sa Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 48, 17-19
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6

Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.

Mateo 11, 16-19

Mga Pagbasa – Biyernes, Disyembre 11, 2015
Biyernes sa Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Isaias 48, 17-19

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ganito ang sabi ng Banal ng Israel,
ng Panginoong mong sa iyo’y tumubos:
“Ako ang Panginoong iyong Diyos.
Tuturuan kita paya ka umunlad,
papatnubayan kita saan ka man pumunta,
Kung sinusunod mo lang ang mga utos ko,
pagpapala sana’y dadaloy sa iyo,
parang ilog na di natutuyo ang agos.
Tagumpay mo sana ay sunud-sunod,
parang dating ng alon sa dalampasigan.
Ang lahi mo sana’y
magiging sinadami ng buhangin sa dagat,
at tinitiyak kong
hindi sila mapapahamak.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6

Tugon: Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.

Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsasaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.

Tugon: Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.

Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitityak na magtatagumpay.
Tugon: Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.

Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.

Tugon: Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.

MABUTING BALITA
Mateo 11, 16-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Sa ano ko nga ihahambing ang tao ngayon? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalarom ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw! Nanambitan kami, ngunit hindi kayo tumangis!’ Sapagkat naparito si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at sinasabi nila, ‘Inaalihan siya ng demonyo!’ Naparito rin ang Anak ng Tao, na kumakain at umiinom, at sinasabi naman nila, ‘Masdan ninyo ang taong ito! Matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng kanyang mga gawa.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Sabado, Disyembre 12, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=5ofGKx4ZNKM

Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe

Zacarias 2, 14-17
Judith 13, 18bkde. 19

Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.

Lucas 1, 26-38

Mga Pagbasa – Sabado, Disyembre 12, 2015
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe

UNANG PAGBASA
Zecarias 2, 14-17

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Zacarias

Sinabi ng Panginoon, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Sion, pagkat maninirahan na ako sa piling mo.”

Sa araw na yaon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri sa Panginoon at pasasakop sa kanya. Siya’y maninirahan sa gitna ninyo. Sa gayun, malalaman ninyong sinugo ako ng Panginoon. Muli niyang kukupkupin, ituturing na kanyang sarili, at itatangi ang Jerusalem.

Manahimik sa harapan ng Panginoon ang lahat ng nilalang, pagkat siya’y tumindig mula sa kanyang templo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Judith 13, 18bkde. 19

Tugon: Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.

Anak, sumasainyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan.
Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa.

Tugon: Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.

Ang pananalig sa Diyos na nag-udyok sa iyo
ay hindi na mapaparam sa isip ng mga tao
habang ginugunita nila ang kapangyarihan ng Diyos.

Tugon: Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.

MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Mga Pagbasa – Linggo, Disyembre 13, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=8NkMz6eDnE4

Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)

Sofonias 3, 14-18a
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6

D’yos na kapiling ng bayan ay masayang papurihan.

Filipos 4, 4-7
Lucas 3, 10-18

Mga Pagbasa – Linggo, Disyembre 13, 2015
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)

UNANG PAGBASA
Sofonias 3, 14-18a

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Sofonias

Umawit ka nang malakas, Lungsod ng Sion;
sumigaw ka, Israel!
Magalak ka nang lubusan, Lungsod ng Jerusalem!
Ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon;
wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
Sa araw na yaon ay sasabihin sa Jerusalem:
“Huwag kang matakot, Sion;
huwag manghina ang iyong loob.
Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos,
parang bayaning nagtagumpay;
makikigalak siya sa iyong katuwaan,
babaguhin ka ng kanyang pag-ibig;
at siya’y masayang aawit sa laki ng kagalakan,
gaya ng nagdiriwang sa pista.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6

Tugon: D’yos na kapiling ng bayan ay masayang papurihan.

Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
Siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig
Sa batis ng kaligtasan.

Tugon: D’yos na kapiling ng bayan ay masayang papurihan.

“Umawit kayo ng papuri Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ipinahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at
ang Banal ng Israel.”

Tugon: D’yos na kapiling ng bayan ay masayang papurihan.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 4, 4-7

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid:

Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo.

Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kagandahang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. Ang ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Kristo Hesus.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 3, 10-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: Tinanong si Juan Bautista ng mga tao, “Kung gayun, ano po ang dapat naming gawin?” “Kung mayroon kang dalawang baro, bigyan mo ng isa ang wala. Ganyan din ang gawin ng mga may pagkain,” tugon niya. Dumating din ang mga publikano upang pabinyag at itinanong nila sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” Sumagot siya, “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin.” Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami, ano naman ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo; masiyahan kayo sa inyong sahod,” sagot niya.

Naghahari sa mga tao ang pananabik sa pagdating ng Mesiyas at ang akala ng marami’y si Juan ang kanilang hinihintay. Kaya’t sinabi ni Juan sa kanila, “Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa sa akin, at ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Hawak niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya ang trigo sa kanyang kamalig, ngunit ang ipa’y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”

Marami pang bagay ang ipinangaral ni Juan sa mga tao sa kanyang paghahayag ng Mabuting Balita.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Lunes, Disyembre 14, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=Sdsxd4MoaoU

Paggunita kay San Juan de la Cruz, Pari at Pantas ng Simbahan
Lunes sa Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Mga Bilang 24, 2-7. 15-17a
Salmo 24, 4bk-5ab. 6-7bk. 8-9

Poon, ako’y gabayan mo sa landas patungo sa ‘yo.

Mateo 21, 23-27

Mga Pagbasa – Lunes, Disyembre 14, 2015
Paggunita kay San Juan de la Cruz, Pari at Pantas ng Simbahan
Lunes sa Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Mga Bilang 24, 2-7. 15-17a

Pagbasa mula sa aklat ng Mga Bilang

Noong mga araw na iyon, nakita ni Balaam ang kampo ng Israel, sama-sama bawat lipi. Nilukuban siya ng Espiritu ng Panginoon at siya’y nagpahayag:

“Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor
ang pahayag ng taong may malinaw na paningin.
Ang salita ng nakikinig sa salita ng Diyos,
ng nakakikita sa pangitain buhat sa Makapangyarihan,
ng nabulagta sa lupa gayunma’y nanatiling malinaw ang paningin:
Anong ganda, O Jacob, ng iyong mga tolda
kay inam, O Israel, ng iyong tirahan.
Wari’y kapatagang napakalawak,
parang hardin sa baybay ng batis.
Wari’y punongkahoy na mabango, itinanim ng Panginoon,
matataas na punong sedro sa tabi ng mga bukal.
Ang tubig ay umaapaw sa lahat niyang sisidlan,
kapangyarihan niya’y madarama sa lahat ng lugar.
Ang hari niya ay higit na malakas kaysa kay Agag,
at ang kaharian niya ay napakalawak.”
Muling nagpahayag si Balaam:
“Ang orakulo ng taong may malinaw na paningin.
Ang pahayag ko na nakikinig sa salita ng Diyos
at nakababatid sa kalooban ng Kataas-taasan.
Nakikita sa pangitain ng Makapang-yarihan
maaaring mabuwal ako
gayunma’y malinaw ang aking paningin.
Nakikita ko ngunit hindi ngayon,
siya’y aking namamalas ngunit hindi sa malapit.
Isang tala ay sisikat mula sa lahi ni Jacob,
lilitaw ang isang hari mula sa lipi ni Israel.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4bk-5ab. 6-7bk. 8-9

Tugon: Poon, ako’y gabayan mo sa landas patungo sa ‘yo.

Ang kalooban mo’y ituri, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.

Tugon: Poon, ako’y gabayan mo sa landas patungo sa ‘yo.

Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Pagkat pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!

Tugon: Poon, ako’y gabayan mo sa landas patungo sa ‘yo.

Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.

Tugon: Poon, ako’y gabayan mo sa landas patungo sa ‘yo.

MABUTING BALITA
Mateo 21, 23-27

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa templo. Samantalang nagtuturo siya, lumapit sa kanya ang mga punong saserdote at ang matatanda ng bayan at siya’y tinanong, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang ito?” Sumagot si Hesus, “Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ako, saka ko naman sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbinyag – sa Diyos ba o sa tao?” At sila’y nagusap-usap: “Kung sabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ Ngunit kung sabihin nating mula sa tao baka naman kung ano ang gawin sa atin ng bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” Kaya’t sumagot sila kay Hesus, “Hindi namin alam!” Sinabi niya, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga ginagawa ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Martes, Disyembre 15, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=a3nqaB9vTOU

Martes ng Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Sofonias 3, 1-2. 9-13
Salmo 33, 2-3. 6-7. 17-18. 19 at 23

Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Mateo 21, 28-32

Mga Pagbasa – Martes, Disyembre 15, 2015
Martes ng Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Sofonias 3, 1-2. 9-13

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Sofonias

Ito ang sinasabi ng Panginoon:
Kahabag-habag ang lungsod na itong suwail
at punong-puno ng karumihan at pang-aapi.
Wala siyang pakikinig sa Panginoon at hindi tumatanggap ng kanyang payo.
Hindi siya nagtitiwala sa Panginoon,
ni lumalapit man upang pasaklolo.

“Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao, at bibigyan ko sila ng dilang malinis, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ng Panginoon at buong pagkakaisang maglingkod sa kanya. Mula sa ibayo ng mga ilog ng Etiopia, ang aking nangalat na bayan, ay sasamba sa akin, magdadala ng kanilang handog. Sa araw na yaon ay hindi kayo mapapahiya sa ginawa ninyong paghihimagsik sa akin; sapagkat aalisin ko ang mapagmataas, at hindi na kayo maghihimagsik sa aking banal na bundok. At ang iiwan ko roon ay mga taong mapagkumbaba, na lalapit sa akin upang pasaklolo. Ang natira sa Israel ay hindi na gagawa ng kasamaan at hindi magsisinungaling ni mandaraya man. Uunlad ang kanilang buhay at magiging panatag at wala silang katatakutan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 6-7. 17-18. 19 at 23

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Nililipol niya yaong masasama
hanggang sa mapawi sa isip ng madla.
Agad dinirinig daing ng matuwid
inililigtas sila sa mga panganib.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Tumutulong siya sa nasisiphayo
ang walang pag-asa’y hindi binibigo.
Mga lingkod niya’y kanyang ililigtas,
sa napakukupkop, siyang mag-iingat.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

MABUTING BALITA
Mateo 21, 28-32

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan: “Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.’ ‘Ayoko po.’ tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siya’y naparoon. Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayon din ang kanyang sinabi. ‘Opo’ tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae’y nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Miyerkules, Disyembre 16, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=0TZiRzcB8ko

Ika-16 ng Disyembre sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 56, 1-3. 6-8
Salmo 66, 2-3. 5. 7-8.

Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

Juan 5, 33-36

Mga Pagbasa – Miyerkules, Disyembre 16, 2015
Ika-16 ng Disyembre sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Isaias 56, 1-13a. 6-8

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Ayon sa katarungan
at laging matuwid ang inyong gagawin.
Ang pagliligtas ko’y
di na magluluwat, ito ay darating,
ito’y mahahayag sa inyong paningin.
Mapalad ang taong gumagawa nito,
ang anak ng taong ang tuntuni’y ito.
Ginaganap niya ang marapat gawin sa Araw ng Pamamahinga,
sa gawang masama, ang kanyang sarili’y iniiwas.”
Di dapat sabihin ng isang dayuhang nakipagkaisa sa bayan ng Diyos,
na siya’y hindi papayagan ng Panginoong
na makisama sa pagsamba ng kanyang bayan.”
Ito naman ang sabi ng Panginoon
sa mga dating dayuhan na ngayo’y
kabilang sa kanyang bayan,
buong pusong naglilingkod sa kanya,
nangingilin sa Araw ng Pamamahinga;
at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
“Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.
Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Tatanggapin ko ang inyong mga handog,
at ang Templo ko’y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
Ipinangako pa ng Panginoon,
sa mga Israelitang ibinalik niya mula sa pagkatapon,
na marami pa siyang isasama sa kanila
para mapabilang sa kanyang bayan.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 66, 2-3. 5. 7-8

Tugon: Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

O Diyos, pagpalain kamit’ kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.

Tugon: Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.

Tugon: Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

Nag-aning mabuti ang mga lupain,
pinagpala kami ng Poon, Diyos namin!
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.

Tugon: Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

MABUTING BALITA
Juan 5, 33-36

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio, “Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo’y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa – Miyerkules, Disyembre 16, 2015

$
0
0

https://www.youtube.com/watch?v=C1NxhmsCvMc

Miyerkules ng Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 45, 6b-8. 18. 21b-25
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Lupang tiga’y ‘yong diligin, Poon, sa ‘yong pagdating.

Lucas 7, 19-23

Mga Pagbasa – Miyerkules, Disyembre 16, 2015
Miyerkules ng Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Isaias 45, 6b-8. 18. 21b-25

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

“Ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at walang nang iba.
Ako ang lumikha ng dilim at liwanag,
Ako ang nagpapadala
ng kaginhawahan at kapahamakan.
Akong Panginoon ang gumagawa ng lahat ng ito.
Padadalhan kita ng sunud-sunod na tagumpay
parang masinsing patak ng ulan;
dahil dito maghahari sa daigdig
ang kalayaan at katarungan.
Akong Panginoon
ang magsasagawa nito.”

Ang Panginoon, ang Diyos, ang lumikha ng kalangitan,
Siya rin ang lumikha ng daigdig,
Ginawa niya itong matatag at ito’y mananatili,
ginawa niya itong isang mainam na tirahan.

Siya ang may sabing, “Akong Panginoon lamang
ang Diyos at wala nang iba pa.
Magsanggunian kayo.
Sino ang makahuhula ng mga bagay na magaganap?
Hindi ba akong Panginoon
ang Diyos na nagliligtas sa kanyang bayan?
Walang ibang Diyos maliban sa akin.

Lumapit kayo sa akin
at kayo ay maliligtas,
Kayong mga tao sa buong daigdig.
Walang ibang Diyos maliban sa akin.
Ako ay tapat sa aking pangako at di magbabago,
at tutuparin ko ang aking mga pangako:

‘Lahat ng tao ay luluhod sa aking harapan,
at mangangakong sila’y magtatapat sa akin!’
“Sasabihin nila,
tanging nasa Panginoon
ang kapangyarihan at pagtatagumpay,
at mapapahiya sinumang sa kanya’y lalaban.
Ngunit ang lahi
ng bansang Israel ay magtatagumpay,
matatamo nila ang kadakilaan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Tugon: Lupang tiga’y ‘yong diligin, Poon, sa ‘yong pagdating.

Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

Tugon: Lupang tiga’y ‘yong diligin, Poon, sa ‘yong pagdating.

Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.

Tugon: Lupang tiga’y ‘yong diligin, Poon, sa ‘yong pagdating.

Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.

Tugon: Lupang tiga’y ‘yong diligin, Poon, sa ‘yong pagdating.

MABUTING BALITA
Lucas 7, 19-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at pinapunta sa Panginoon upang itanong, “Kayo po ba ang paririto, o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating nila kay Hesus ay kanilang sinabi, “Pinaparito po kami ni Juan Bautista at ipinatatanong kung kayo ang paririto o maghihintay pa kami ng iba.” Nang mga sandaling yaon ay maraming pinagaling si Hesus: mga pinahihirapan ng karamdaman, at mga inaalihan ng masasamang espiritu. Ipinagkaloob niyang makakita ang mga bulag. Sinabi niya sa kanila pagkatapos, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ang inyong nakita at narinig: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Viewing all 4207 articles
Browse latest View live